Imbak para sa Nobyembre, 2009

SUPER KARITON!

Posted in Idolo ni Istik with tags , , , on Nobyembre 23, 2009 by batangistik

Lahat naman tayo dumaan sa pagkabata at lahat tayo nangarap na minsan ay maging super hero.

Noong bata pa tayo nakakakita lang tayo ng super hero sa komiko at telebisyon. At ang pagiging super hero ay nakikilala bilang tagapagligtas ng mga naaapi.

Nagiging malakas ang isang super hero sakaling lumunok ng bato tulad ni Darna at minsan naman, kung hindi kumakaunti ang kasuotan ay nababawasan naman ito hanggang bra’t panty na lang ang matira, yung iba naman bumabaliktad ang suot at nauunang suotin ang paglabas bago ang panloob, sabay magkakaroon din ng kapa. At ang mas nakakatuwa pinapakita pang nahuhubaran muna ang bida bago magpalit ng costume tulad nila Sailor Venus at Sailor Moon.

Yung iba naman nagiging aping bida muna (payatot at gusgusin) bago nagiging guwapings na super hero tulad nila Capten Barbell.

Yung iba naman grupo na may iba’t ibang kulay tulad ng BioMan, Maskman at Power Rangers na pawang nagiging hegante ang kalaban sakaling hindi na makaya ang lima laban sa nagiisang halimaw at sa huli nag magsasanib puwersa din sila para makabuo ng isang higanteng bida.

Patayan ang labanan para matapos ang paghahasik ng kadaliman.

Noong pumasok naman tayo eskwelahan nagkaroon tayo ng mga panibagong super hero totoo silang tao at sila ang mga taong nagbuwis ng kanilang buhay para sa kanilang minamahal na Bayan tulad nila Gat. Jose Rizal, Bonifacio at iba pa.

Noong tumagal-tagal nagkaroon naman tayo ng mga makabagong bayani tulad ng mga OFWs, mga GURO, mga PULIS at SUNDALO pati na rin ang mga taong handang magbuwis ng buhay para sa Kapwa.

Akala ko noon kinakailangan mo munang mamatay para tawagin kang Bayani at hindi mo makukuha ang isang parangal na puweng igawad sa’yo hanggang nabubuhay ka pa.

May hindi pa ba nakakaalam?

Oo, Si Efren Peñaflorida ang bagong tinanghal ng CNN bilang HERO OF THE YEAR ngayong 2009. Nagkamit s’ya ng mahigit isang Milyong Piso kapalit ng kanyang mapagkawang pagtulong sa mga batang lansangan o sa mga batang walang kakayahang mag-aral sa eskwelahan dulot ng salot na kahirapan sa Pilipinas sa pamamagitan ng Kariton. Na ayon sa kanya at sa balita nobenta porsyento nito ay hindi para sa kanya kundi para sa binoo niyang guro at ang natitirang sampung pursyento ay hindi pa rin sa kanya kundi sa simbahan.

Ang sarap na naman maging Pilipino! dahil muli na naman tayong inangat ng kapwa pilipino sa buong mundo. Isang karangal na sa kabila ng mabahong sistema ng pulitika sa bansa ay may mga kumikilos pa din para punan kahit papaano ang kakulangan ng gobyerno na dapat tayo ang iniisip at hindi ang mga pansariling interes lamang.

Sabi nga ni Efren (sa sarili kong interpretasyon) ang mundo natin ay napapagiligiran ng napakaraming bayani, lahat tayo ay may natatagong pagpapakabayani sa loob na’tin ang tanging gagawin lang natin ay hanapin ito at ibahagi din sa iba na nangangailangan…

Tulad din ng mga super hero noong kabatan natin at ganoon din sa mga pinag-aaralan na’tin sa eskuwela, lahat ng bayani ay naging bayani dahil handa silang magsilbi at tumulong ng walang hinihintay na kapalit.

Ngayonm, sa tulong ni Efren higit pa s’ya sa mga bayaning nabawian na ng buhay. Isa siyang nabubuhay na bayani at inspirasyon para sa lahat.

‘nyemas

Posted in Nanay ni Istik with tags , , on Nobyembre 20, 2009 by batangistik

Noong nasa highchool ako isang malakas na palo ng hanger o kaya’y walis tambo ang gumigising sa akin. Ngayong tapos na ako sa college umaatikabong sermon na lang ang gumigising sa akin.

Mahal ko ang Nanay ko pero may pagkakataong sa sobrang pagkabigla ko sa pagkakagising, minsan ko na itong nasabihan ng “Papansin” at ang malupet minsan ko na ring namura ito. Pero hindi ko naman iyon sinasadya.

Kanina isang sermon na naman ang inalmusal ko, tanghalian pala kasi tanghali na ako gumigising.

Dahil may orasan naman ang cellphone ko, inaakala kong alas-9 palang ng umaga kaya naman nagpatuloy ako sa pagkakatulog ko. Muli akong nagising ng alas-10 ng umaga at dahil dalawang oras pa ang oras ng gising ko ay natulog ako uli.

Naalimpungatan na lang ako ng makarining ako ng 3’oclock habits mula sa TV ng kapit kuwarto ko. tumingin ako sa orasan ng cellphone ko at alas 12 palang naman.

Kumilos ako ayon sa pang-araw araw kong gawain, mag-iigib, maghahanda ng makakain at maliligo, takang-taka ako dahil parang nasobrahan yata ako ng tulog dahil ibang iba sa regular ng gising ko.

Aba! pagtingin ko sa wall clock sa ibaba at alas tres na ng hapon!. Doon ko napagtanto na pinakailaman pala ng Nanay ko ang Cellphone ko.

At ang pinangangambahan ko baka binasa n’ya ang mga mensahe ng mga staker ko na puro kabastusan. Ano na lang kaya iisip ng Nanay ko?

Kapag pinagalitan ako mamaya ukol sa mga nabasa niya sa personal kong gamit, papagalitan ko din siya dahil pinakailaman nya ang gamit ko. hehehe

Aral: Huwag umasa sa orasan.

Senti under the tree

Posted in Pag-ibig ni Istik with tags , , on Nobyembre 18, 2009 by batangistik

Minsan nang nakapanood si Istik ng isang pelikula na may kaugnayan sa isang puno. Pagkatapos mapanood iyon, parang kaugnay na ang lahat ng puno sa bawat pag-ibig ni Istik.

Single si Istik ngayon at napakasarap magpakaemo ngayon. Siyempre saan pa ba niya pipiliing magpakaemo kundi sa ilalim pa rin ng puno.

Nakatingin sa mayayabong na dahon, minsan na man sa mga sangang tuyo at minsan sa mga ugat nito. Marami siyang pumisyong nagagawa dito habang nagmumukmok. Minsan nakasandal sa Puno habang nakadigit ang isang paa sa katawan nito. Minsan naman masarap maupo sa malaking ugat nito habang iniisa-isang pitasin ang mga damong nagkalat dito.

Minsan nang umibig si Istik at isa na yata sa pinaka-hindi malilimutang pangyayari ay noong minsang isinulat niya ang pangalan nila dito. Tanda ng ukit na walang hanggang pagmamahal ni Istik sa kanya.

Kaso naiwang mag isa si Istik sa lilim ng punong iyon, umiiyak at nanatiling nakatayo habang naghihintay sa wala. Umaasa pa din na sa ilang saglit ay baka balikan pa s’ya.

Halos araw-araw ding inubliga ni Istik ang sarili na tumambay doon hanggang isang araw nagulat na lang siya na wala na siyang nadatnan na puno.

Mangiyak-ngiyak si Istik noon.

At doon niya napagtantong kailangan na niyang mag move on. Ang pag-asa hindi lang maganda lagi ang dulot minsan ang pag-asang iyon ay nagbibigay din ng hapdi sa nararamdaman mo. Mahirap umasa nang wala ng inaasahan.

Malungkot si Istik ngayon at umaasang dadating ang araw na muling tutubo ang sanga sa puso nito na magbibigay ng matatamis na ngiti.

Ang mamatay ng dahil sa.. “La Diva”

Posted in Si Istik sa kanyang bayan with tags , , , , , , on Nobyembre 16, 2009 by batangistik

La diva

Isa na yata sa mga naituro ng mga guro natin noong nasa elementarya tayo na sa magpahanggang ngayon ay ina-apply pa sa pagka-pilipino na’tin ay ang tamang pag-awit ng pambansang himno ng bansa.

Noong nasa mababang paaralan ako, tuwang tuwa ako kapag ako ang napipiling kumanta sa stage ng “Lupang hinirang”. Minsan napili na rin ako para kumumpas habang utu-utong nakatingin ang daan-daan kong kapwa estudyante. Ganoon din sa minsang pagkakapili ko para mag ehersisyo at gayahin din nila.

May pagkakataong minsan ay pinaulit sa akin ang pagkakanta hindi dahil sa mali ang pag-awit ko, kundi dahil walang gustong sumabay sa’kin. Hindi naman natin masisi ang kapwa ko mga estudyanteng na halos may panis na laway pa para lang makahapol sa flag ceremony.

Paano ba naman, may mga nakaakibat na parusa sakaling hindi ka maka attend ng flag ceremony at ang pinaka sikat ay ang pa-flag ceremony mag isa sa class room. Pero depende din naman sa guro minsan kapag sunud-sunod ang mga late, titser na rin ang magsasawa kakapakinig ng lupang hinirang kaya papalabasin n’ya ang mga estudyanteng late at pila-pilang ibibilad sa araw. (tapos magrereklamo yung titser na amoy luga ang mga estudyante n’ya).

Kung iisipin nga naman, napaka haba na ng panahon mula noong nilimbag at bigyan ng kumpas ang ating pambasa awit. At kung tutuusin ilang estudyante na rin ang nagbuwis ng kahihiyan para sa himnong ito. Tapos sa pag-usad ng panahon mag-iiba-iba din pala ang anyo sa pagkakaawit nito.

Siyempre pa, saan ba kinakanta ang dakilang awit na ito? sa mga pambihirang okasyon at kahit sa simpleng panonood ng sine at iba pa.

Sa kasalukuyang panahon sikat na sikat ito sa tuwing makikipagpatayan si Manny Pacquiao. Tila isa itong chismis sa isang pamayanan na kahit paulit-ulit mong ipabarangay ay mananatili chismis na walang katapusan.

Ilang laban na ba ang sinugod ni Pacman? at ilang beses na rin bang tinugtog ang Lupang hinirang at ilang beses na rin bang nagkaroon ng kanina-kanilang pakulo-eklat sa kanilang pagkakakanta?

Saganang akin na lang, sana nama’y magkaroon na ng laya ang bawat isa sa kung paano kakantahin ang pambansayang awit ng Pilipinas sa aktong makatarungan.

Kung ang bansang amerika nga ay nagkakaroon ng iba’t ibang daloy ng kanta pero hindi naman nagiging malaking isyu ito sa kanila, bakit hindi na rin ganito ang mangyari sa Pilipinas. Kaysa naman paulit-ulit itong pinag-uusapan na nasa batas daw pero wala pa namang napupurasan.

Sana tulad na lang ‘yan ng simpleng pagkakaroon ng late sa flag ceremony, at least kahit papaano nagagawa na’ting huwag magpalate at kung sakaling malate pa rin may kaakibat itong parusa.

Pero hindi din no, mahirap masabihang amo’y luga ng titser.

Bestfriend

Posted in Kuwentong Kaibigan with tags , on Nobyembre 14, 2009 by batangistik

bestfriend.tif

Minsan, naitatanong ko sa sarili ko kung ano nga ba ang tunay sukatan ng pagiging magkaibigan? Ito ba’y nasusukat sa tagal ng pagsasamahan? o nasusukat sa kung gaano mo s’ya  kalalim pinagkakatiwalan?

Paano mo ba masasabi kung malatalik mo nang kaibigan ang isang tao? Kapag nagawa mo na ba s’yang murahin? at kapag nagawa mo na s’ya lait-laitin? (puwede).

hmmm.. kapag kaibigan na talaga ang pinag-uusapan minsan natatameme na lang ako, kasi naman parang napakahirap para sa’kin ang makahanap nito, kahit pa nagkalat lang sila dito. Minsan kasi natatakot ako na sa minsang pagkawala nila, mauuwi na naman ako sa  mala-kulangot na kalungkutan.

Di naman ako guwapo di rin naman ako matalino, pero parang ang choosy-choosy ko pagdating  sa kaibigan.. parang yung kasabihan “kapag gusto mo, ayaw sa’yo. yung araw mo yun ang may gusto sa’yo” ang gulo no?

Bakit ko nga ba nakukuwento ‘to? Kasi naman gusto kong maging matapat sa kaibigan ko ukol sa umiikot sa buhay ko, pero natatakot ako na sa oras na malaman n’ya ay siguradong may mababago. Hindi ko nga lang alam kung sa pabor o di pabor ang magiging resulta nito.

Dito ko napatunay na kahit anong close mo sa isang tao ay magagawa mo pa ring maglihim dahil takot kang mawala ito.

Pero, kung kabigan mo naman talaga ang tao, kahit anong baho ang maibulaslas mo ay tatanggapin n’ya ‘to di ba?

Ang Kulangot baw!

Posted in 'Di Malilimutan with tags , on Nobyembre 12, 2009 by batangistik

kulangot

Madalas ka bang nagmamadali? Kung ganun mag-ingat ka dahil malamang sa alamang mangyari sa iyo ang makailang ulit nang pangyayari sa’kin.

Nagaganap ito lagi sa umaga.

Naalala ko pa noong unang pasok ko sa college. nagamamdali akong pumasok sa eskwelahan para makahanap agad ng mga bagong kaibigan.

Pagpunta ko sa kuwarto kung saan nakadistino ang unag subject ko, nag-aalangan pa akong pumasok baka nga kasi magkamali ako. Sakto namang may lumabas sa pinto kaya nagtanong ako.

“excuse me, dito ba ang klase si Sir Achuchu?”

“oo dito nga” sabi ni bagong classmate.

May dumating pang isa at ako naman ang tinanong syempre sinagot ko na: “dito nga”

Hindi ko lang malaman kung bakit ganoon sila tumingin sa’kin. (parang nahihiya)

Noong nakaubo na ako, napahawak ako sa pawisan kong bigote (pero wala naman akong bigote) Nagulat na lang ako sa nadama ko -isang bloke ng kulangot na may isa pang buhok.

Hindi ko alam kung paano ang ire-react sa sarili ko at nagbalik tanaw sa’kin ang mga oras ng papasok ako sa eskwelahan, ganoon din sa pagtatanong ko sa bago kong classmate.

Nakakahiya talaga. Siguro tatlong beses na nagyari sa’kin ‘to. Maswerte lang siguro yung dalawang nauna dahil mga close friend ko ang nakakita nito.

Mula noon pinangako ko sa sarili, na bago umalis sa bahay ay magsalamin muna gaano kaman ka late sa pupuntahan mo. Ang kulangot! baw.

Love ko ‘to?

Posted in Pag-ibig ni Istik with tags , on Nobyembre 11, 2009 by batangistik

di na ko love.tif

Dati nagbabasa lang ako ng blog, ngayon magbablog na din ako.

Salamat sa taong nag-udyok sa akin para makapagsulat ako dito.

Sabi niya kasi sa akin, magandang labasan daw ito ng problema, hinaing o saloobin. Tamang tama naman ito ngayon dahil nakadarama ako ng ordinaryo subalit napakahirap tanggalin -ang nabigong pag-ibig.

Tandang-tanda ko pa ang pinakamalungkot naming sandali sa loob ng Mcdonalds. Noong una masaya pa kami nagkukuwentuhan pero sa bawat salita na kanyang binibitawan, tila alam ko na ang ibig parating nito.

Tama ang iniisip ko, nakipag hiwalay nga siya sa akin noong oras na iyon at sa lugar na iyon. Siyempre mahirap tanggapin.

Hanggang ngayon  nga ay hindi ko pa rin matanggap na wala na s’ya sa akin.

Hindi ko na matandaan kung kailan iyon pero tandang-tanda ko pa ang mga huling sandali namin.

Paglabas namin ng Mcdonalds napakalayo na agad ng tingin ko, ni-ayaw ko na siyang tingnan at ni-ayaw ko ding yumuko dahil sa konting sandali baka tumulo ang nagbabadya kong emosyon.

Noong magpapaalam na kami sa isa’t isa tinapik ko pa s’ya sabi ko “sige ingat ka” papunta sya sa kanan at ako naman sa kaliwa. Mabilis ang bawat pangyayari at sa aktong pagtalikod namin sa isa’t isa hindi ko na nagawang lumingon pabalik.

Nakangiti akong naglalakad at sa bawat ngiting iyon unti-unti na itong bumabaliktad kasabay ng mga agos ng panghihinayang sa mga masasayang araw na sinasariwa.

Siguro mahal ko lang talaga siya kaya magpahanggang sa ngayon ay hindi ko pa rin matanggap.

Siguro ito na ang pagkakataon para makapag move on at libangin ang sarili sa nakakatuwang libangan -ang blogging.